Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 11 Sea’s Immigration Services (11 Sea’s), isang immigration consultancy firm na nagpositibong nag-aalok ng trabaho sa Poland nang walang kaukulang awtoridad o lisensya
Sa bisa ng closure order ay isinagawa ng DMW, sa pangunguna ni Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac, Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman at Directors Geraldine C. Mendez at Eric D. Dollete, ang agarang pagkandado ng 11 Sea’s sa Pasay City.
Matapos ang surveillance operations na isinagawa ng DMW sa 11 Sea’s ay nakumpirmang nag-aalok ito ng trabaho sa Poland para sa mga trailer truck driver, factory worker at warehouse worker. Napag-alaman din sa imbestigasyon na ginagamit din ng 11 Sea’s ang Facebook group at page nito sa panghihikayat na magtrabaho abroad.
Bukod dito, pinangangakuan ng 11 Sea’s ang mga aplikante na maaari silang mapaalis sa loob ng isang taon dahil sa kanilang koneksyon sa mga employer sa Poland. Kapalit ng mabilisang pagproseso ng dokumentong tinatanggap nila ay ang pagbabayad ng halagang PhP 280,000.00 all-in processing fee. Hiwalay namang babayaran ang plane fare bago ang nakatakdang pag-alis patungong Poland.
Modus din ng 11 Sea’s na alukin ng referral sa isang lending institution ang mga aplikante kung wala silang kakayanang magbayad ng buong processing fee ngunit kailangan muna nilang ibigay ang paunang bayad na halagang PhP 50,000.00 bago ang referral. Bago din matuloy ang pagproseso ng mga dokumento ng aplikante ay kailangan nilang mabigyan ng fit-to-work ng kanilang partner diagnostic clinic.
Para matigil na ang ilegal na gawain ng 11 Sea’s at wala nang mabiktima ito, ipinag-utos ng DMW ang pagpapasara nito, pagkansela ng business permit sa Pasay City at pagpapawalang-bisa ng certificate of registration sa Department of Trade and Industry.
Sa pagkakasara nito, ang 11 Sea’s, may-ari, at mga empleyado nitong sangkot sa illegal recruitment ay mahaharap sa kasong illegal recruitment committed by a syndicate na may parusang life imprisonment at multang PhP 2M hanggang PhP 5M. Dagdag dito ay makakasama din sila sa DMW list persons and establishments with derogatory records kung saan hindi sila maaaring lumahok overseas recruitment program ng gobyerno.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga nabiktima ng 11 Sea’s sa opisina ng DMW-MWPB o mag-message dito upang matulungan sa pagsasampa ng kaso at mabigyan ng libreng tulong legal.