Nagsanib pwersa ang Department of Migrant Workers (DMW) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para bigyang proteksiyon ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at ang kanilang pamilya kontra sa illegal recruitment at investment scammers.
Nakapaloob ito sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac at Undersecretary Alexander K. Ramos ng CICC nitong Lunes, ika-5 ng Pebrero 2024 sa tanggapan ng CICC sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig, Metro Manila.
Layunin ng naturang kasunduan na masugpo o labanan ang mga cybercrime at data intrusions na kadalasan ay bumibiktima sa mga OFW.
“Sanib-puwersa kami ng CICC sa pagtutok sa problema ng mga OFWs at OFW families, in terms of scams, frauds o panlilinlang na isinasagawa sa kanila in quite a number of activities. Unfortunately, dati ay illegal recruitment lang pero ngayon ay lumawig na sa human trafficking, investment scams, consumer fraud at ibat-iba pang paraan ng pagsasamantala sa ating mga OFWs at OFW families,” ani DMW Officer-in-Charge Hans Leo J, Cacdac.
“Ang gusto lang naman ng isang OFW ay magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya at pamayanan. Pero ito na nga, may mga nagsasamantala, lilinlangin sila para lang makataga ng pera, makakuha ng oportunidad na mautakan sila and to drain their hard end income and resources. Yan ang pinakamasakit sa lahat, yung hard-earned money ng isang OFW ay ganon na lamang makukuha ng isang manloloko o manggagantso,” Dagdag pa ni Cacdac.
Ipinahayag naman ni CICC Undersecretary Alexander K. Ramos na handa silang tumulong sa DMW para bigyang proteksiyon ang mga OFW laban sa cybercrimes yamang ito ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. Handa rin silang pigilan at i-prosecute ang mga nagsasagawa ng cybercrime.
“May tiyak na matatawagan at makakausap sa aming call collect facility, may makaka-chat na tao sa aming FB messenger (https:Cybercrime Investigation and Coordinating Center – CICC), kaya ang pamilya ng OFW ay pwedeng tumawag anytime. Katulong ang buong kapulisan, National Bureau of Investigation (NBI ) at Department of Justice (DOJ), ang ating mga agent ang makikipag-coordinate in their behalf, 24/7 silang matatawagan pagdating sa scam,” pahayag ni Undersecretary Ramos.
Bahagi ng kasunduan ang prevention laban sa cybercrime, kagaya ng advance notification para sa lahat DMW registered OFWs, kaya pwede na nilang bigyan ng babala ang kanilang pamilya sa Pilipinas bago pa man pumutok ang isang scam.
Tutulong din ang CICC na magbigay ng impormasyon tungkol sa mga scam sa mga Pre-Employment Orientation Seminars (PEOS), Pre-Departure Orientation Seminars (PDOS) at maging sa Post-Arrival Orientation Seminars (PAOS) na isinasagawa ng DMW.
Handa rin ang CICC na tulungan ang DMW na mapabilis ang digitalization ng issuance ng OEC sa mga papaalis na mga OFWs at ang mga pabalik sa kanilang mga trabaho sa ibayong dagat.