Sa bisa ng closure order ng Department of Migrant Workers (DMW), ipinasara ang tanggapan ng Double D Training Consultancy Services (Double D) matapos magpositibo sa illegal recruitment.
Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Francis Ron C. De Guzman at Directors Geraldine C. Mendez at Eric D. Dollete ang pagkandado sa tanggapan ng Double D sa Sta. Cruz, Maynila kaninang umaga. Ang pagpapasara sa nasabing establisyamento ay bunga ng surveillance operations na ikinasa ng Migrant Workers Protection Bureau nang makatanggap ito ng report na nag-aalok ng iba-ibang seabased na trabaho kahit di lisensyadong manning agency.
Ang Double D ay isang maritime consultancy firm na sangkot sa pag-aalok ng trabaho bilang able-bodied seaman, oiler, marine engineer at marine officer sa mga nabisita sa tanggapan nito. Ang nasabing panghihikayat na magtrabaho abroad ay ginagawa din sa pamamagitan ng Facebook.
Bukod dito, pinangangakuan ng Double D ang mga aplikante na maaari silang marefer sa isang manning agency kung nais magtrain kung wala pang karanasan bilang fitter o messman. Kapalit ng mabilisang pagproseso ng dokumentong tinatanggap nila ay ang pagbabayad ng halagang PhP 80,000.00.
Susi diumano sa mabilis nilang proseso ng pagpapaalis sa ibang bansa ay partnership sa mga lisensyado manning agency at foreign employer na mahigpit na ipinagbabawal ng batas at ng DMW. Para matigil na ang ilegal na gawain ng Double D at wala nang mabiktima ito, ipinag-utos ng DMW ang pagpapasara nito, pagkansela ng business permit sa Maynila at pagpapawalang-bisa ng certificate of registration sa Department of Trade and Industry.
Sa pagkakasara nito, ang Double D, may-ari, at mga empleyado nitong sangkot sa illegal recruitment ay mahaharap sa kasong illegal recruitment committed by a syndicate na may parusang life imprisonment at multang PhP 2M hanggang PhP 5M. Dagdag dito ay makakasama din sila sa DMW list persons and establishments with derogatory records kung saan hindi sila maaaring lumahok overseas recruitment program ng gobyerno.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga nabiktima ng Double D sa opisina ng DMW-MWPB o mag-message dito upang matulungan sa pagsasampa ng kaso at mabigyan ng libreng tulong legal.