Guilty sa kasong simple illegal recruitment ang hatol ng Manila Regional Trial Court Branch 173 kay MARLYN DE LEON Y CARTAJENA at PRECIOUS CAMARA Y MERCADO.
Naaresto ang mga illegal recruiter na sina DE LEON at MERCADO sa isang entrapment operation noong 2019 sa loob ng isang sikat na fast food chain sa Roxas Blvd., Ermita, Manila. Ikinasa ang nasabing entrapment ng PNP-CIDG-Anti-Transnational Crime Unit (PNP-CIDG-ATCU) matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga biktima. Dinakip ang mga suspek matapos tanggapin ang P45,000 na magsisilbing bayad para sa kanilang visa.
Modus ng mga suspek na mangako ng trabaho bilang dairy farm worker sa New Zealand o factory worker sa China sa pamamagitan ng Suchthings Travel Services. Ayon sa mga biktima, isang taga Talisay, Isabela ang nagpakilala sa kanila sa mga akusado. Nakikipag ugnayan ang mga biktima kina De Leon at Mercado sa pamamagitan lamang ng Facebook at mga tawag sa cellphone, kung saan pinaluwas sila ng Maynila para magbayad ng P70,000.00. Nang pinabalik ng mga akusado ang mga biktima sa Maynila para sa karagdagang bayad na P45,000.00, 3 babae ang lumapit umano sa mga biktima at sinabing mayroon din silang resibo mula sa naturang travel agency. Sila ay umano ay na scam at hinihingi ang tulong ng mga biktima upang mahuli sina De Leon at Mercado. Dito na sila nagtungo sa PNP-CIDG upang magsampa ng reklamo, kung saan ikinasa ang entrapment operation sa isang fast food chain at naaresto ang mga akusado. Binigyan ng sertipikasyon ng DMW ang mga biktima na siya namang ginamit ng mga ito sa pagsasampa ng reklamo sa PNP-CIDG-ATCU.
Sa desisyon ng korte, ang mga akusado ay nagkasala sa krimeng Simple Illegal Recruitment. Sina De Leon at Mercado ay hinatulan ng pagkakakulong ng 12 hanggang 20 taon at multa na nagkakahalagang Php 1,000,000.00.
Gayundin, inatasan sina De Leon at Mercado na bayaran ang bawat biktima ng Php 70,000.00, na may taunang interes na anim na porsiyento (6%) mula sa pinalidad ng hatol hanggang sa buong kabayaran nito.