Kasunod ng rekomendasyon mula sa Department if Migrant Workers-Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB), ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) ang entrapment operation noong ika-23 ng Setyembre 2023 sa Sunvalley Language Center sa Filmore Street, Palanan, Makati City kung saan nadakip ang may-ari ng nasabing language school na si Mohd Damshah Manangka Wahid at mga kasamahang sina Jainuddin Manangka Wahid, Maria Cecilia Cervero Divinagracia at Auralia Gallega Lipor.
Ayon sa mga nagrereklamo, nalaman nila ang serbisyo ni Wahid mula sa isang trainee. Ang bawat referral ay may kasamang komisyon na P5,000. Ipinakilala ni Wahid ang kanyang language center na makatutulong sa kanila para magtrabaho sa Japan o Taiwan bilang fruit picker, farmer o caregiver. Pangako niyang maaari silang makaalis bilang direct hire o kaya ay mairefer sa kanyang partner na recruitment agency subalit kailangan munang magbayad ng P36,000 at sumailalim sa training. Ang mga biktima ay nagdesisyon na mag-apply bilang fruit picker sa Japan at mairefer sa partner recruitment agency nito. Nalaman nila mula sa DMW na si Wahid at ang Sunvalley ay walang lisensya para mag-recruit ng mga worker papuntang ibang bansa. Dahil dito, sila ay isinangguni sa CIDG-NCR para sa entrapment operation.
Nahaharap si Wahid at mga kasamahan nito sa kasong illegal recruitment at estafa. Ang DMW-Migrant Workers Protection Bureau ay magbibigay ng libreng tulong legal sa mga biktima sa buong pagtutok ng inquest, preliminary investigation, at paglilitis. Pitong (7) iba pang biktima ay nasa CIDG-NCR para magsampa ng kanilang reklamo laban kay Wahid, habang 19 na biktima naman ay nagsumite na ng kanilang reklamo sa MWPB.
Maaaring magsampa ang mga naging biktima ng reklamo laban sa mga nabanggit na illegal recruiter sa DMW-MWPB o sa CIDG-NCR upang matulungan sa pagsasampa ng kaso at mabigyan ng libreng legal assistance.