Inilabas ng Angeles City Regional Trial Court Branch 115 ang hatol na guilty sa illegal recruitment laban kay LEONIDA M. DACILLO, 50 anyos, taga-Mabalacat City, Pampanga.
Ayon sa nagreklamong biktima, ipinakilala sa kanya habang siya ay nagtatrabaho sa Kuwait, ang isang Mary Walter na nagmamay-ari ng 8 Skill Seeker, isang agency sa Dubai na nag-refer naman sa kanya sa akusado at asawa nito. Nakapagbayad na umano si Mary Walter ng Php 95,000.00 kay Leonida upang maproseso ang kanyang mga dokumento patungong Qatar bilang isang cook. Pinatira umano siya nito sa tahanan ng mag-asawang Leonida at Joel sa Dau, Mabalacat City, Pampanga habang hinihintay ang kanyang mga papeles.
Sa araw ng kanyang pag-alis at matapos ang verification process ng OWWA at DMW, napag-alaman ng biktima na ang kanyang dalang mga dokumento ay peke. Sa bisa ng pahayag ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa biktima, naaresto ang mag-asawang Leonida at Joel Dacillo sa Clark International Airport.
Sinentensyahan ng 12 taon at isang araw hanggang sa 15 taong pagkakabilanggo si Leonida at pagbabayad ng isang milyong multa dahil sa kasong simple illegal recruitment habang absuwelto ang kanyang asawa sa kasong paglabag sa RA 8042, as amended by RA 10022 o illegal recruitment dahil sa kakulangan ng ebidensiya.